Tiniyak ng Philippine Navy na patuloy pa rin ang kanilang pagbabantay sa Exclusive Economic Zone (EEZ) ng Pilipinas sa gitna ng pagtugon ng pamahalaan sa COVID-19.
Ayon kay Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Giovanni Carlo Bacordo, patuloy pa rin ang pagpapatrolya ng kanilang mga barko sa West Philippines Sea.
Hindi rin nahihinto ang regular rotation at pagtatalaga ng kanilang mga tauhan sa siyam na features sa West Philippine Sea na okupado ng Pilipinas.
Mayroon din silang mga tauhan na nakabantay sa quarantine control point sa iba’t-ibang bahagi ng bansa at tumutulong din sa pamamahagi ng relief packs.
Nitong Abril, naghain ang Pilipinas ng dalawang diplomatic protest laban sa China dahil sa paglabag nito sa international law at sa soberenya ng bansa.