Walang pang dapat ikabahala sa lumalaking bilang ng barko ng China sa Ayungin Shoal at Pagasa Island ayon sa Philippine Navy.
Sa Bagong Pilipinas Ngayon, sinabi ni Philippine Navy Spokesperson for the West Philippine Sea (WPS) Rear Admiral Roy Trinidad na normal lamang ang naitalang 129 na barko sa lugar dahil karaniwang umaabot ng hanggang higit 150 ang mga barko ng China doon sa nakalipas na tatlong buwan.
Paiba-iba aniya ang bilang nito depende sa lagay ng panahon kaya katanggap-tanggap pa rin ang namo-monitor nilang bilang ngayon.
Tiniyak naman ni Trinidad na nakatutok sila dahil may patrol plan ang naval forces west at airflight surveillance sa Ayungin at Panatag shoal.
Giit pa ni Trinidad, hindi nila gustong pangunahan ang magiging aksyon ng China sa hinaharap pero handa raw ang Philippine Navy at ang buong Sandatahang Lakas para tumugon sa anumang sitwasyon sa WPS.