
Inanunsyo ng Philippine Navy na magtatayo ito ng naval monitoring station sa Tubbataha reef matapos na malagdaan ang Memorandum of Understanding o MOU sa pagitan ng Western Naval Command at Tubbataha Reefs Natural Park.
Ayon kay Philippine Navy spokesperson for the West Philippine Sea Rear Admiral Roy Vincent Trinidad, layon ng nasabing hakbang na magbigay ng suporta sa pangangalaga sa kalikasan sa silangang bahagi ng Puerto Princesa at Sulu Sea.
Kung saan kasama sa nasabing kasunduan na maiwasan ang ilegal na pangingisda sa lugar kung saan maraming mabababaw na bahura at iba’t ibang uri ng marine species.
Dagdag pa nya, mahalaga ang presensya ng Navy sa nasabing reef dahil ito ay nasa loob ng archipelagic sea lanes ng bansa at dinaraanan ng mga sasakyang pandagat.
Kaugnay nito, ayon pa sa Navy ang monitoring station na ito ay makatutulong sa Philippine Coast Guard (PCG), Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) at iba pang ahensya ng pamahalaan na magtitiyak ng seguridad at kaayusan sa kilalang diving spot sa buong mundo, ang Tubbataha.










