Manila, Philippines – Handa ang Philippine Navy na idepensa ang Pilipinas laban sa sinumang mananakop na magtatangkang magpabagsak ng bansa kabilang dito ang interes sa West Philippine Sea (WPA).
Sa katatapos na paglulunsad ng aklat na Active Archipelagic Defense Strategy 2017 o AADS 2017, iginiit ni Philippine Navy Flag Officer in Command Vice Admiral Ronald Joseph Mercado, na ipagtatanggol ng Navy ang soberenya ng bansa lalo na sa usapin kaugnay sa inaagaw na teritoryo ng bansa o ang WPA.
Ito aniya ay alinsunod sa mandato ng Hukbong Pandagat ng Pilipinas na itinatakda sa Saligang Batas na obligasyon nilang sundin.
Gayunman, upang matupad ang nasabing mandato, kailangan aniya ng patuloy na transpormasyon, modernisasyon at propesyonalisasyon na nakaangkla sa tumataas na pangangailangan ng Command at ng kasalukuyang sitwasyon sa karagatan.
Samantala, tinatalakay sa AADS 2017 ang operational strategy ng Philippine Navy upang makatugon sa mga usaping pangkaragatan na sangkot ang bansa.