Philippine Navy ship na kayang mag-convert ng seawater sa freshwater, bibyaheng Albay

Pumapalaot na sa karagatan patungong Albay ang BRP Andres Bonifacio na isa sa mga barko ng Philippine Navy sa ilalim ng operational control ng Naval Forces Southern Luzon.

Ayon kay Lt. Regeil Gatarin, Director ng NAVFORSOL Public Affairs Office, misyon nilang maghatid ng inuming tubig sa mga residente na naaapektuhan ng pag-aalburoto ng Bulkang Mayon.

Aniya, mayruong Reverse Osmosis Desalination System ang naturang barko kung saan kaya nitong i-convert ang tubig alat o tubig dagat sa freshwater upang mainom ng mga apektadong residente.


Paliwanag pa ni Gatarin kaya nitong makapag-produce ng maraming tubig o hanggang sa 32,000 liters kada araw kung saan kaya nitong mabenepisyuhan ang nasa 1,000 mga pamilya.

Kasunod nito, tinitiyak ng Naval Forces Southern Luzon na ligtas inumin ang tubig.

Bilang patunay pinangunahan pa nina Task Force Sagip Commander BGen. Jaime Abawag Jr., at Naval Forces Southern Luzon Commander Joe Anthony Orbe ang ceremonial drinking of water na produkto ng Desalination System ng BRP Andres Bonifacio.

Una nang ipinangako ni Defense Secretary Gilberto Teodoro kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., nuong bumisita ito sa Albay nitong June 14, 2023 na magde-deploy ng mga barko ang Philippine Navy na kayang mag-convert ng saltwater sa freshwater na syang kailangan ngayon ng mga residente ng Albay.

Facebook Comments