Philippine Ports Authority, may pakiusap sa mga LSI na huwag munang magtungo sa North Harbor

Nakikiusap ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs) na huwag na munang magpunta sa Manila North Harbor kung walang hawak na resulta ng swab test.

Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, karamihan sa mga LSI na nasa labas ng North Harbor ay walang mga dalang negative RT-PCR result kung saan wala rin silang mga hawak na tiket.

Sinabi pa ni Santiago na sa ilalim ng guidelines ng National Task Force (NTF), kinakailangan na mayroong negative result ng RT-PCR ang mga nais umuwi ng kani-kanilang lalawigan.


Dagdag pa ni Santiago na sinuspinde ng NTF ng dalawang linggo ang pagbabalik lalawigan ng mga LSI kaya’t nanawagan siya sa mga ito na bumalik na lang muna kung saan sila nanggaling o kaya ay maghanap ng pansamantalang matutuluyan.

Hintayin na lang din ang anunsiyo ng NTF o ng Inter-Agency Task Force (IATF) kung kailan muli papayagan o ipagpapatuloy ang paghahatid sa mga LSI sa mga probinsya.

Hinaing naman ng ilang LSIs na wala na nga silang hawak na pera kung kaya’t hindi na nila alam kung papaano makaka-avail ng swab test.
Habang ang ilan naman sa kanila ay nagtungo sa tanggapan ng Department of Social and Welfare and Development (DSWD) pero sinabihan sila umano ng mga guwardiya na hindi na sapat ang pondo ng kagawaran.

Facebook Comments