Muling nakikiusap ang pamunuan ng Philippine Ports Authority (PPA) sa Locally Stranded Individuals (LSIs) na huwag munang magtungo sa Manila North Harbor hangga’t walang kasiguraduhan na makakabiyahe sila pauwi sa kani-kanilang probinsya.
Ang naturang pahayag ng PPA ay kasunod ng pagdami ng mga LSI sa Manila North partikular sa North Port Passenger Terminal na karamihan ay biyaheng Bacolod at Iloilo.
Ayon kay PPA General Manager Jay Santiago, mas maiging bumalik muna ang mga LSI sa kanilang pinanggalingan o kaya sa pansamantalang matutuluyan sa Metro Manila.
Sa kabila nito, handa naman ang PPA na muling buksan ang kanilang multi-purpose hall para kupkupin ang mga LSI pero sinabi ni Santiago na maaaring mas kumportable para sa kanila na manatili sa kanilang pinanggalingan kaysa sa magsiksikan sa terminal o matulog sa bangketa.
Aniya, maghintay na lamang din ng update ang mga LSI hinggil sa mga bagong schedule ng biyahe kaysa sa ma-stranded sa terminal.
Aminado naman ni Santiago na isang suliranin ang moratorium na idineklara ng ilang lokal na pamahalaan ukol sa pagpasok ng mga LSI pero kailangan nila itong respetuhin lalo na’t bahagi ito pag-iingat laban sa COVID-19.