Binalaan ni Philippine Ports Authority (PPA) General Manager Jay Santiago ang ibang opisyal at tauhan ng kanilang tanggapan na sundin ang mga patakaran na inilatag ng pamahalaan.
Ito’y kasunod ng pagkakasibak sa walong opisyal ng Port Management Office (PMO) ng Bohol matapos mahuli sa closed-circuit television (CCTV) na nag-iinuman sa loob mismo ng multi-purpose hall ng opisina ng pantalan.
Ayon kay Santiago, mahigpit na ipinagbabawal ang pag-inom ng alak sa lahat ng tanggapan o opisina maging sa nasasakupan ng pamahalaan base na rin sa regulasyon na inilabas mg Civil Service Commission (CSC) at ng Department of Transportation (DOTr).
Matatandaan na base sa isinagawang imbestigasyon ng PPA, birthday ni Acting Port Manager Lord Tyrone Agaton at nagkaroon ng party kung saan nakita sa CCTV ang inuman kasabay ng kantahan.
Bukod kay Acting Port Manager Agaton, kasamang nasibak din sina PMO Bohol Port Services Division Manager Julius Jumangit, Atty. Sherlito Columnas Jr., ng legal department, Safety Officer Atty. Romeo Cabading II at limang police officers.
Iginiit ni Santiago, na hindi karapat-dapat sa serbisyo ng gobyerno ang mga tiwali at abusadong opisyal na hindi marunong rumespeto sa mga pasilidad ng pamahalaan na ginawa para sa taumbayan.
Sinabi pa ni Santiago, isang malaking pagkakamali na gawin ang inuman sa loob ng opisina kasama ang mga matataas na kawani ng pantalan sa Bohol.