Pinatitiyak ng Philippine Ports Authority (PPA) sa mga pantalan na magiging mas mabilis at maayos ang pagpasok ng mga tulong para sa mga nasalanta ng Bagyong Odette.
Ito’y sa pamamagitan ng inilabas na memorandum circular na pirmado ni PPA General Manager Jay Santiago na layong matulungan ang mga naapektuhan ng kalamidad, lalo na sa relief operations at reconstruction efforts.
Batay sa memo, pansamantalang ihihinto ang paniningil ng passenger terminal fee at Ro-Ro Terminal fee sa lahat ng pantalan na nasa ilalim ng ahensya na epektibo sa loob ng 30-araw o hanggang Enero 20, 2022.
Nakasaad din sa memo na dapat gawing prayoridad ang pagdaong at paglayag ng mga barko sa mga pantalan.
Kasama rin ang pagsasakay at pagbaba ng mga kargamento at mga sasakyang magdadala ng relief goods at essential items gayundin ang reconstruction materials sa mga nasalanta.
Isasantabi na rin muna ang tinatawag na entrance formalities para sa mga barko na ginagamit para sa response, relief at reconstructions operations upang lalong pabilisin ang proseso sa mga pantalan.
Nauna nang iniulat ng PPA na dahan-dahan nang nagbabalik sa normal na operasyon ang ilang mga pantalan matapos ang pananalasa ng Bagyong Odette.