Pinag-iingat ng Philippine Postal Corporation (PhilPost) ang publiko laban sa isang scammer na tumatawag sa mga target na biktima gamit ang telepono upang makapanloko at makapangikil.
Sa inilabas na advisory ng PhilPost, tinawag ang phone scammer na Mr. Vishing na ginagamit ang kopya ng telephone number ng isang ahensiya ng gobyerno at palalabasin na ang tawag ay galing sa Customer Service Hotline.
Karaniwang gamit ay ang numerong (02) 8288-7678 na isang government-owned and controlled corporation (GOCC) na nasa ilalim ng Office of the President.
Ginawa ng PhilPost ang babala kasunod nang paghingi ng tulong ng tatlong biktima ng grupo ng scammer na nagtungo sa tanggapan nila sa Cebu.
Kwento ng mga biktima, tinawagan sila gamit ang phone number ng PhilPost at sinabi sa kanila na mayroon silang natuklasang bagahe na naglalaman ng illegal drugs galing sa mga biktima na papuntang ibang bansa na naharang sa Cebu Central Post Office.
Ini-report pa umano ng scammer sa local police ang mga biktima ngunit upang makaiwas sa posibleng kaso ay hinihingan sila ng pera upang hindi na makasuhan.
Dahil dito nagtungo sa post office ang mga biktima upang beripikahin ang alegasyon kung saan natuklasan nila na scammer ang caller kaya’t patuloy ang isinasagawang imbestigasyon ng mga awtoridad para matunton ang mga nasa likod ng panloloko.