Nanawagan ng recalibration para sa testing at quarantine protocols ang mga opisyal ng Philippine Red Cross (PRC) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA).
Ayon kay PRC Chairman Senator Richard Gordon, nagdudulot lamang ng psychological pressure sa mga OFW ang protocol ng the Inter-Agency Task Force (IATF).
Paliwanag ni Gordon, bukod sa mas magastos ay nahihirapan din ang mga tauhan ng mga airport, hotel, healthcare workers at Philippine Coast Guard lalo na’t nagkakaroon din minsan ng problema sa logistics.
Kasunod nito, sinabi ni PRC Molecular Laboratories Head Dr. Paulyn Ubial na sa kasalukuyang sistema kasi ay ang mga Coast Guard ang nagtutungo sa 108 quarantine hotels araw-araw para mangolekta ng specimen.
Ayon kay Ubial, mistulang “operational nightmare” ang ganito dahil nasa isa o dalawang specimen lamang minsan ang nakukuha.
Nangangamba rin si OWWA Administrator Hans Leo Cacdac na posibleng manipis na lamang ang budget ng ahensiya pagsapit ng Abril o Mayo lalo na’t nasa ₱30 million ang kanilang ginagastos kada araw para sa accomodation ng higit 10,00 OFW’s na nananatili sa mga hotel sa loob ng halos siyam na araw.