Philippine Red Cross at Robinsons Land Corporation, lumagda sa kasunduan para sa saliva RT-PCR testing sites sa Robinsons Malls

Pormal nang nilagdaan ng Philippine Red Cross at ng Robinsons Land Corporation ang kasunduan sa pagbubukas ng saliva RT-PCR testing sites sa 20 Robinsons Mall sa buong bansa.

Partikular ang saliva collection para sa RT-PCR drive thru sa Robinsons Malls sa halagang dalawang libong piso lamang.

Kabilang sa dumalo sa memorandum of agreement (MOA) signing sa Robinsons Place Manila sa Ermita sina Red Cross Chairman and CEO Senator Richard Gordon at mga opisyal ng LRC sa pangunguna ng kanilang Executive Vice President Faraday Go.


Ayon kay Gordon, malaking benepisyo ang partnership ng Red Cross at ng Robinsons sa mga manggagawa at mga estudyante na nangangailangan na maisailalim agad sa COVID test para makabalik sa kanilang mga trabaho o sa pag-aaral.

Sinabi pa ni Gordon na bagama’t may bakuna na kontra COVID-19, kailangan pa rin aniyang magpatuloy ang COVID testings.

Ito ay dahil hindi naman aniya garantiya ang bakuna na hindi na mahahawaan ang isang indibidwal.

Target sa nasabing testing sites na maka-accommodate ng 3 indibidwal kada sampung minuto.

Facebook Comments