Binuksan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang ika-23 na Bakuna Center sa Light Industry Science Park II (LSPI) sa Barangay Real, Calamba City, Laguna.
Ayon kay PRC Laguna Chapter Administrator Frank Gray Sorromeo, ang naturang bakuna center ay may kapasidad na magbakuna ng 300 na indibidwal kada araw.
Dagdag pa ng Laguna Chapter, target ng Red Cross na mabakunahan ang 13,000 na empleyado upang matulungan ang gobyerno na mapigilan ang COVID-19 pandemic.
Bilang isa sa mga pangunahing industrial hubs sa labas ng Metro Manila, balak ding palawigin pa ang vaccination sa Calamba City sa pagbubukas pa ng isang bakuna center upang mabakunahan ang marami pang essential workers.
Sa ngayon, aabot na sa higit 700 na indibidwal na ang nabakunahan ng Sinovac COVID-19 sa nasabing bakuna center.
Samantala, mayroon namang sumatutal na 23 na bakuna center ang Red Cross sa buong bansa.