Philippine Red Cross, hindi mukhang pera ayon kay Sen. Gordon

COURTESY: PHILIPPINE RED CROSS FB

Nauunawaan, sanay na at hindi minamasama ni Philippine Red Cross o PRC Chairman Senator Richard Gordon ang sinabi ni Pangulong Rodrigo Duterte na mukhang pera ang PRC.

Giit ni Gordon, sana ay dahan-dahan sa pananalita dahil hindi mukhang pera ang Philippine Red Cross at malaki ang naitutulong ng ginagawa nitong COVID-19 test sa mas mababang halaga.

Sinabi ni Gordon, nananatili ang kaniyang respeto kay Pangulong Duterte na marahil ay nabigla lang kaya nakapagbigay ng negatibong komento laban sa PRC.


Ayon kay Gordon, posible ring ang tinutukoy ng Pangulo na mukhang pera ay ang mga nagsamantala sa panahong nakahinto ang COVID-19 test ng PRC.

Paliwanag ni Gordon, dapat naman talagang bayaran ng Philippine Health Insurance Corporation o PhilHealth ang utang nito sa PRC na lumobo noon hanggang mahigit ₱1 bilyon pero ngayon ay nasa ₱377 milyon na lang.

Umaasa naman si Gordon na magpapatuloy ang regular na pagbabayad ng PhilHealth ng tig-₱100 milyon para sa pagpapatuloy ng ginagawa nilang COVID-19 test.

Facebook Comments