Binuksan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang kanilang unang blood collecting unit sa Barangay Cabid-an, Sorsogon City.
Ang bagong PRC blood collecting unit ay inisyatibo ni Chairman at CEO Richard Gordon para mapalawig ang blood bank facilities para sa pasyente ng Sorsogon at kalapit-probinsya para sa ligtas at malinis na supply ng dugo.
Hanggang nitong Hulyo 22, ang PRC ay mayroon ng 102 blood service facilities, 31 blood centers, at 71 blood collection units/blood stations na matatagpuan sa mga strategic areas nationwide.
Hinikayat naman ni Chairman Gordon ang mga malulusog na indibidwal na mag-donate ng dugo sa gitna ng tumataas na kaso ng dengue sa ilang parte ng bansa.
Ang bagong blood collecting unit ng PRC ay bukas sa mga walk-in blood donors at blood requests mula Lunes hanggang Biyernes sa ganap na alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Para sa karagdagang impormasyon maaaring mag-email sa PRC Sorsogon Chapter sa sorsogon@redcross.org.ph o tumawag sa PRC Blood Call Center 143.