Ibinahagi ng Philippine Red Cross (PRC) ang ilang tips para maging ligtas ngayong panahon ng tag-ulan.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon, mahalagang matandaan ng publiko ang mga dapat gawin bago, habang at pagkatapos ng bagyo.
Payo ni Gordon na dapat laging tatandaan ang 4P’s sa panahon ng bagyo: predict, plan, prepare at practice.
Bago ang bagyo:
– Mag-imbak ng sapat na suplay ng pagkain at tubig. Mas maigi kung ang pagkain ay hindi na kinakailangang lutuin.
– Ihanda ang mga flashlight, kandila, battery-powered radios na madaling magagamit sakaling mag-brown out.
– Ikumpuni ang mga sirang bahagi ng bahay.
– Maging updated sa mga latest na ulat ng panahon.
– Anihin na ang mga nagbungang ani
– Siguraduhing ligtas ang mga alagang hayop.
– Ilagay sa ligtas na lugar ang mga bangka.
– Kung lilikas, siguraduhing may dalang damit, first aid kit, kandila o flashlight, battery-powered radio at iba pang mahalagang bagay.
Habang nananalasa ang bagyo:
– Manatili sa loob ng bahay.
– Maging updated sa mga latest na ulat ng panahon.
– Kung hindi ligtas ang iinuming tubig, pakuluan ito ng 20 minuto.
– Bantayan ang kandila at mga lampara.
– Iwasang lumusong sa baha upang maiwasan na makuryente at iba pang sakit na maaaring makuha rito.
– Kung kinakailangang lumikas, tandaan ang mga paalala:
– Lumikas nang kalmado.
– Isara ang mga bintana at patayin ang main power switch.
– Ilagay ang mga kagamitan sa mataas na lugar.
– Iwasan ang mga daan na papuntang ilog.
Pagkatapos ng bagyo:
– Kung ang inyong bahay ay nasira, siguraduhing ligtas ito sa inyong pagpasok.
– Iwasan ang mga mapanganib na hayop tulad ng ahas na posibleng pumasok sa inyong bahay.
– Maging alerto sa mga posibleng live wire na nasa baha.
– Iulat ang mga nasirang kable at natumbang poste ng kuryente sa otoridad.
– Tanggalin ang mga natirang tubig sa mga gulong, lata at paso upang maiwasang pamugadan ng lamok.
Samantala, patuloy pa rin ang rescue, relief at recovery efforts ng PRC sa mga ganitong natural sakuna o kalamidad. Alerto ang 143 na volunteer ng PCR sa buong bansa 24 na oras.