Naniniwala ang pamunuan ng Philippine Red Cross (PRC) na mas mainam na maging handa kaysa magsisi sa bandang huli,kaugnay sa kumakalat na nakamamatay na virus kaya bumili na agad sila ng mga karagdagang Personal Protective Equipment (PPE) upang mapangalagaan ang kanilang mga staff at volunteers laban sa Coronavirus.
Ayon kay PRC Chairman at CEO Senador Richard Gordon naka prepositioned na ang PPE sets sa mga pangunahing chapters sa international airports at PRC Regional warehouses dahil nais nilang matiyak na ang PPE ay available sa mga chapters kung kinakailangan.
Dagdag pa ng Senador na ang PRC ay mas pinaigting pa ang pagbabantay sa mga hinihinalang may kaso ng nCov sa bansa,at pinapalaganap na rin nila ang health at hygiene activities gaya ng tamang paghuhugas ng kamay bilang bahagi ng pag-iwas na mahawa ng Coronavirus.
Tinitiyak din aniya ng PRC bilang bahagi ng kanilang pagresponde na ang mga ambulance crew ay sinanay na naaayon sa pag-iwas sa mga infection.
Nagtayo na rin ang PRC ng Welfare desk sa mga Paliparan at hospitals, habang siniseguro nilang mayroong sapat na supply ng dugo at handa rin silang magbigay ng medical tents sa mga pangunahing hospitals upang magkaroon ng karagdagang espasyo.