Pinasalamatan ng Philippine Red Cross (PRC) ang Adamson University matapos magsilbing isolation facility ang kanilang campus sa Ermita sa loob ng isang buwan.
Matatandaang humingi ng tulong si Hospicio De San Jose Administrator Sr. Maria Socorro Evidente mula kay PRC Chairman at CEO Senator Richard Gordon matapos magpositibo ang 30 na kawani ng Hospicio De San Jose at senior citizen sa COVID-19.
Ayon kay PRC Richard Gordon, sa pamamagitan ng pagsasanib pwersa ng dalawang institusyon ay nabigyan ng tulong ang mga pasyenteng may COVID-19 sa panahon ng kagipitan.
Sa ngayon ay aabot na sa 3,650 na indibidwal ang nabigyan na ng isolation facility ng PRC mula nang magsimula ito noong Abril 17.
Ayon sa PRC, patuloy nilang papagaanin ang paghihirap ng mga kababayan sa pamamagitan ng pagbibigay ng isolation facility sa mga asymptomatic na pasyente upang mapigilan ang hawaan ng COVID-19 sa mga kabahayan.