Philippine Sugar Corporation, muling pasisiglahin ng gobyerno

Pasisiglahin muli ng Marcos administration ang Philippine Sugar Corporation o PHILSUCOR.

Ang PHILSUCOR ay isang financing agency ng gobyerno na tumutulong sa mga magsasaka, asosasyon ng mga magsasaka at mga kooperatiba.

Sa isang video statement, sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr., na ang PHILSUCOR ay binuo sa ilalim ng presidential decree number 1890 noong taong 1983 para magkaroon ng pondo sa pagbili, rehabilitasyon, o pagpapalawak sa sugar mills, refineries, at iba pang katulad na pasilidad.


Ayon sa pangulo, sinubukang buwagin noon ang PHILSUCOR pero hindi natuloy at ngayon ay kanyang bubuhayin at babaguhin.

Pag-aaralan din ayon sa pangulo kung ano ang mga pwedeng i-adjust sa sistema ng PHILSUCOR batay sa sitwasyon ngayon ng bansa sa asukal.

Lumutang ang planong ito matapos pulungin sa Malacañang ng pangulo kahapon sa unang pagkakataon ang lahat ng stakeholders sa industriya ng asukal.

Napag-usapan sa pulong kung anong mga paraan pa ang gagawin para pasiglahin ang produksyon ng asukal ng bansa, maging ang mga plano para itaguyod ang development ng industriya ng asukal.

Napagkasunduan din nila sa pulong ang aangkat ang bansa ng dagdag na 150,000 metriko tonelada ng asukal para mapatatag ang presyo nito sa mga pamilihan.

Facebook Comments