Iginiit ngayon ng pamunuan ng Philippine Center for Postharvest Development and Mechanization (PHilMech) na walang nangyaring anomalya sa pagkuha nila ng mga farm tractor.
Ito’y sa ilalim ng Rice Competitiveness Enhancement Fund (RCEF) Mechanization Program.
Ayon kay PHilMech Executive Director Dionisio Alvindia, walang anumang nangyaring korapsyon sa pagkuha ng mga nasabing farm tractor na may mga hydraulic port na nasa ₱1.3 million.
Aniya, dumaan sa proseso ang pagkuha nila ng mga traktora na nasa 1,346 at ang iba sa mga ito ay isa-isa na nilang ipinamamahagi sa eligible farmer-beneficiaries.
Sinabi pa ni Alvindia na hindi overpriced ang mga farm tractor taliwas sa mga kumakalat na balita na pinatungan nila ang presyo nito.
Hiling ni Alvindia sa mga magsasaka na nasa listahan ng mga benepisyaryo na maghintay lamang dahil may mga proseso hinggil naman sa pamamahagi nito.