
Nagbabala ang Philippine Rice Research Institute (PhilRice) sa mga magsasaka sa Gitnang Luzon at Bicol Region kaugnay ng posibleng pagdami ng peste at sakit sa palayan habang tumatagal ang tag-ulan hanggang sa darating na buwan ng Setyembre.
Ayon sa ulat ng Bureau of Plant Industry, kabilang sa mga pangunahing banta ang brown planthopper, bacterial leaf blight, rice blast, rice stemborer, at daga—mga peste na mabilis dumami sa malamig at maulang panahon.
Ipinaalala ni Leonardo Marquez, crop protection specialist ng PhilRice, na ang temperatura na 25–30°C at maulap na panahon ay pabor sa pagdami ng brown planthopper na nagdudulot ng hopperburn.
Hinimok niya ang mga magsasaka na gumamit ng integrated pest management gaya ng pagtatanim ng pest-resistant varieties, sabayang taniman, maayos na pag-aabono, at alternate wetting and drying ng bukirin.
Nagbabala rin si Marquez na maaaring tumaas ang kaso ng stemborer at daga dahil sa sunod-sunod na pagtatanim at walang pahingang taniman.
Pinaalalahanan din ng PhilRice ang mga magsasaka na maging alerto pagkatapos ng bagyo o malalakas na ulan at agad na iulat sa lokal na tanggapan ng agrikultura ang anumang kakaibang obserbasyon sa bukid.
Para sa mga may crop insurance, mahalagang agad na ipaalam ang pinsala para sa agarang inspeksyon at bayad-pinsala.









