Philsports at Rizal Memorial Sports Complex, gagawing COVID-19 facilities

Dalawang sports complex ang pansamantalang gagawing medical facilities para tulungang i-decongest ang ibang ospital sa gitna ng banta ng COVID-19.

Ayon kay Philippine Sports Commission Chairman William Ramirez, pinag-aaralan na ng DPWH kung paano magagamit ang Rizal Memorial Sports Complex sa Maynila at ang Philsports Complex sa Pasig alinsunod sa requirements ng DOH.

Kabilang sa mga venue na ikinokonsiderang gamitin sa Philsports Complex ay ang multi-purpose arena at track oval nito. Habang sa Rizal Memorial Coliseum ay ang Ninoy Aquino Stadium at Rizal Memorial Basketball Stadium.


Ayon kay Ramirez, government facilities naman ang mga ito kaya ipinagpapalagay na rin nila ang paggamit dito sakaling kailanganin na. Natalakay na rin niya ito kay Executive Secretary Salvador Medialdea.

Ayon naman kay Senior Executive Assistant at National Training Director Marc Velasco, bumubuo na ng plano ang PSC Management Committee para matiyak na ligtas at isolated mula sa mga nabanggit na venue ang mga natitirang atleta sa dalawang sports complex.

Bago pa man nagpatupad ng Enhanced Community Quarantine, pinauwi na ng PSC ang mga atletang nakatira sa dorm maliban sa mga nagsasanay para sa olympic qualifying tournaments.

Facebook Comments