PhilSys ID, ‘Di dapat Ilantad sa Social Media- PSA Isabela

Cauayan City, Isabela- Nagpaalala sa publiko ang pamunuan ng Philippine Statistic Authority (PSA) Isabela na huwag dapat inilalantad sa social media ang National ID o ang PhilSys ID.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ms. Christilu Geronimo, ang PSA Statistical Specialist at PhilSys In charge sa Isabela, confidential aniya ang mga impormasyon sa National ID kaya’t hindi ito dapat basta-basta ipinagbibigay alam kaninuman lalo na sa social media.

Hiniling nito sa mga nakakuha na ng PhilSys ID na huwag itong isapubliko o i-post sa social media para na rin sa sariling kapakanan at kaligtasan.

Paalala din nito sa mga nakakuha at kukuha pa lamang ng National ID na ingatan itong mabuti dahil hindi aniya madali ang pagproseso rito.

Samantala, magpapatuloy na sa Enero 24,2022 ang registration para sa Philippine Identification Card kung saan maaari nang magtungo sa pinakamalapit na registration center sa lugar tulad ng SM City Cauayan, Robinson Place sa Santiago City at sa mismong tanggapan ng PSA sa City of Ilagan, Isabela.

Maaari rin magtungo at magparehistro sa munisipyo at kinakailangan lamang magdala ng valid ID, Birth Certificate o Barangay Certification na pirmado ng Kapitan ku wala namang Birth certificate.

Hinihikayat naman ni Gng. Geronimo ang lahat ng mga Isabelino na wala pang National ID o hindi pa nakapag rehistro na magtungo na sa mga nabanggit na registration sites.

Facebook Comments