Manila, Philippines – Nagdagdag ng tauhan ang Philvocs sa Albay mula sa kanilang punong tanggapan para masusing pag-aralan ang abnormal na kondisyon ng bulkang Mayon.
Ayon kay Resident Volcanologist Dr. Ed Laguerta, naka-close watch ang kanyang mga tauhan sa loob ng 24 oras, subalit lima lamang ang tauhan nila sa Albay na magsasagawa ng Ground Deformation Survey sa paligid ng bulkan.
Ito ang pagsukat sa katawan ng bulkan para malaman kung mas maga ang katawan nito kumpara sa nakalipas na pagsukat.
Ipinaliwanag ng opisyal, kung maga ang katawan ng bundok, ang ibig sabihin gumagalaw ang magma paakyat kahit walang lumalabas sa bunganga nito.
Maliban rito, kailangan din na masukat ang abong ibinubuga o sulfur dioxide emission, subalit sinabi niyang mahirap makapagsukat sa ngayon dahil sa maulang panahon.
Mahalaga aniya ang dalawang parametro bukod sa mga naitatalang paglindol sa bulkang Mayon, para matiyak ang pag-akyat ng abnormal na kondisyon ng bulkan. Bukod pa rito, may umbok sa tuktok ng bundok.
Sa ngayon, patuloy na nakabandera sa bulkan ang alert level one. Bawal ang pagpasok sa 6 kilometer radius permanent danger zone.