Hinikayat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang sinumang indibidwal at kanilang pamilya na maging handa sa panahon na makaranas ng malakas na lindol o anumang kalamidad ang bansa.
Ayon kay PHIVOLCS Supervising Science Research Specialist Jeffrey Perez, bago isipin ang kahandaan ng pamahalaan sa pagtugon sa kalamidad dapat bawat isa ay may paghahanda ding ginagawa.
Huwag daw munang iasa sa pamahalaan kung di dapat sa sarili muna at pamilya magsisimula ang anumang paghahanda.
Sabi pa ni Perez, hindi umano nape-predict ng PHIVOLCS kung kailan magkakaroon ng lindol ‘di tulad ng bagyo na nasusundan ang galaw ng PAGASA Weather Bureau.
Tanging magagawa lamang nila ay payuhan ang mga tao sa mga lugar na maaapektuhan at may peligro bago at pagkatapos ng lindol.
Samantala, umapela naman ang Office of Civil Defense at National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC sa sambayanan na makiisa sa first quarter nationwide earthquake drill sa Marso 12 ng hapon.
Bahagi umano ito ng inisyatibo ng pamahalaan para imulat ang kamalayan ng publiko sa panahon na may mangyayaring malakas na lindol sa bansa.
Kaugnay nito, niyanig ng magnitude 4 earthquake pasado alas-4 kaninang madaling araw ang bayan ng Jose Abad Santos sa Davao Occidental.
Sa karagatan ang sentro ng lindol pero wala namang dalang pinsala ito sa taumbayan.