Tinalakay sa Senate Committee on Banks, Financial Institutions and Currencies ang paglaganap ng online scams sa bansa.
Sa pagdinig, sinabi ni Committee Chairman Senator Mark Villar na lumalabas na mas talamak ang “phishing attack” sa unang kalahating taon ng 2022 kumpara noong 2021.
Ang ‘phishing’ ay ang ginagawa ng mga scammers na pagpapadala ng link sa email na mistulang galing sa isang reputable companies at kapag ito ay na-click ay maaaring makuha ng scammer ang mga personal na impormasyon ng pinadalhan maging ang mga passwords at credit card numbers nito.
Sa datos aniya, aabot sa 1.8 million ang ‘phishing attacks’ sa unang kalahating taon ng 2022 na hindi hamak na mas mataas kumpara sa 1.34 million na naitala noong 2021.
Karaniwan ding tinatarget ng mga phishing ang mga payment systems, e-commerce shops at local banks.
Maliban sa phishing, tinukoy pa ni Villar na ilan sa mga common types ng online scams ang “vishing” na ang gamit naman ay telepono kung saan may tatawag na isang nagpapanggap na lehitimong agent mula sa isang kilalang kumpanya at “smishing” na ang gamit naman ay text message kung saan may link na ipinapadala o sinasabing ikaw ay nanalo sa isang laro na hindi mo naman sinalihan.
Sa kabuuan, sinabi ni Villar na 2 percent ng global GDP ang nawala o nalugi bunsod ng mga kaso ng online fraud.
Dahil dito, hiniling ni Villar ang agad na pagsasabatas sa AFASA o Anti-Financial Accounts Scamming Act na layong palakasin at ibalik ang tiwala ng publiko sa ating financial institutions.
Sa ngayon ay isinara na sa media at nagsagawa na ng executive session ang komite patungkol sa online fraud o scams sa bansa upang hindi masira ang inilalatag na mga hakbang ng mga awtoridad para tugisin at parusahan ang mga scammers.