Hindi pa matiyak ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) kung lalala pa o huhupa na ang siwasyon sa Taal Volcano.
Sa press briefing kanina, sinabi ni PHIVOLCS Director Renato Solidum na patuloy na nagbubuga ng asupre ang bulkan pero hindi masabi kung magkakaroon pa ng pagsabog ngayong gabi o sa susunod na mga oras.
Ani Solidum, kung magtuloy-tuloy ang abnormal na aktibidad, posibleng iakyat nito ang alert level pero kung magiging normal na ito sa loob ng dalawang linggo ay maaaring ibaba na ito sa Alert Level 2.
Dagdag pa ni Solidum, sa paligid lang ng bulkan ang ash fall dahil mababa at panandalian lang ang naging pagsabog nito kaninang alas-3:16 ng hapon.
Wala naman aniyang dapat ipangamba ang mga magtutungo ng Tagaytay dahil south west lang ang apektado nito partikular ang Laurel at Agoncillo sa Batangas.