Patuloy pa rin hanggang sa mga oras na ito ang mga aktibidad ng Bulkang Taal.
Bagaman tila may paghina, may mga lindol na namomonitor at pagbuga ng abo sa bunganga ng Bulkan.
Sa huling tala ng Philippine Institute Of Volcanology and Seismology, 174 na lindol ang naganap simula kahapon hanggang kaninang alas-5:00 ng umaga.
May lakas ito na Magnitude 1.2 hanggang Magnitude 4.1 at Intensity hanggang 5.
Matapos niyan, napansin ng PHIVOLCS na mas lumaki pa ng ilang sentimetro ang mga hati sa lupa sa bahagi ng Lemery Agoncillo, Talisay at San Nicolas.
Nadiskubre din ng PHIVOLCS na may bagong bitak sa lupa sa Northern Slope ng Taal Volcano.
Sa ngayon, nakataas pa rin ang Alert Number 4 na ang ibig sabihin ay maaaring magkaroon ng mapaminsalang pagsabog anumang oras.