Nagbabala ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ng panibagong serye ng lahar flow sa Luzon kasunod ng inaasahang pananalasa ng Bagyong Ulysses.
Ayon kay PHIVOLCS Officer-In-Charge Renato Solidum, inaasahang tatangayin ng bagyo ang mga bato at putik mula sa Bulkang Mayon at ang pyroclastic materials galing sa Bulkang Pinatubo nang ito ay pumutok noong 1991.
Maliban dito, nagbabala rin si Solidum sa maputik na tubig baha sa mga bayan ng Laurel at Agoncillo sa Batangas dahil sa abo na ibinuga ng Bulkang Taal noong buwan ng Enero.
Samantala, target ng Quezon Province ang zero casualties sa inaasahang pagtama ng Bagyong Ulysses mamayang gabi o bukas ng umaga.
Paliwanag ni Quezon Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office (PDRRMO) Chief Melchor Avenilla Jr., bagama’t malakas ang Bagyong Ulysses, nais nilang mabawasan ang epekto o pinsala nito sa buhay at mga bahay.
Una na ring ipinag-utos ni Quezon Governor Danilo Suarez ang force evacuation sa mga hazard prone areas at pinatitiyak sa PDRRMO na naipatutupad pa rin ang standard health protocol.
Nabatid noong dumaan ang Bagyong Rolly, isa ang nasawi sa Mauban, Quezon.