
Nagpapatuloy ang panakanakang strombolian activity, pati na ang pagbuga ng lava flow at pagbuo ng lava dome ng Bulkang Mayon, ayon sa pinakahuling monitoring ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS).
Naitala ng PHIVOLCS ang 293 volcanic earthquakes, 224 rockfall events, at 106 pyroclastic density currents (PDC) o uson sa loob ng 24 oras, mula alas-12 ng hatinggabi noong January 22 hanggang alas-12:00 ng hatinggabi ng January 23.
Samantala, umabot sa 3,059 tonelada ng sulfur dioxide ang ibinuga ng bulkan. Nakitaan din ito ng katamtamang pagsingaw na may taas na humigit-kumulang 100 metro, na tinangay pa-hilagang-kanluran at kanluran-hilagang-kanluran.
Nananatiling Alert Level 3 ang Bulkang Mayon, kung saan mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa loob ng 6-kilometrong Permanent Danger Zone dahil sa banta ng biglaang pagsabog, lava flow at pyroclastic density currents.










