Nakaalerto ngayon ang Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) sa lagay ng Bulkang Bulusan sa Sorsogon matapos ang naobserbahang pagtaas na naman sa aktibidad ng bulkan.
Sa monitoring ng PHIVOLCS, aabot sa kabuuang 71 volcanic-tectonic (VT) earthquakes na may kaakibat na rock fracturing ang naitala sa Bulkang Bulusan mula pa kaninang alas-5:00 ng madaling araw.
Nagpapatuloy rin ang degassing activity sa crater ng bulkan.
Ayon sa PHIVOLCS, ang pagtaas ng seismic parameters ay indikasyon ng hydrothermal activity na posibleng humantong sa isang steam-driven o phreatic eruption sa bulkan.
Nananatili naman sa Alert Level 1 ang bulkan kaya patuloy na pinapayuhan ang lahat na mahigpit pa ring ipinagbabawal ang pagpasok sa 4-kilometer radius Permanent Danger Zone (PDZ) at ang pagbabantay sa 2-kilometer Extended Danger Zone (EDZ).