Tiniyak ni Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) Director Renato Solidum na hindi sasabog ang Taal Volcano ng kasinlakas ng nangyari noong 2020.
Ayon kay Solidum, konti lamang kasi ang sulfur dioxide gas ngayon mula sa magma na ibinubuga ng bulkan.
Dahan-dahan din aniyang umaakyat ang magma kaya hindi masyadong mapanganib bagama’t may mga nagaganap na explosions.
Sa kabila nito, tiniyak ni Solidum na kanila pa ring binabantayan kung ang magma ay magmumula sa ilalim at kung gaano ito kabilis umakyat.
Kapag naging mas mabilis aniya kasi ang pag-akyat ng magma ay maaaring magdulot ito ng mas malakas na pagsabog.
Pinapayuhan naman ng PHIVOLCS ang mga residente ng mga Barangay Bilibinwang, Banyaga, Agoncillo, Boso-boso, Gulod at Bugaan East sa Laurel, Batangas na lisanin na ang kanilang mga tahanan dahil ang Taal Volcano Island ay naideklara nang permanent danger zone.