Bagama’t itinuturing na major earthquake, walang inaasahang malaking danyos ang pagtama ng magnitude 7.1 na lindol sa Jose Abad Santos, Davao Occidental kahapon.
Paliwanag ni PHIVOLCS Director Renato Solidum, nabawasan ang lakas ng lindol pagdating sa ibabaw ng lupa dahil na rin sa lalim ng pinagmulan nito.
Dahil dito, wala ring inaasahang banta ng tsunami.
“Dahil po ang distansya ng episentro sa pinakamalapit na lupa sa Southern Mindanao ay mahigit 200 kilometro at malalim ito mga 111 kilometers, yung enerhiya po niya ay nabawasan nang dumating sa lupa kaya yung mga pagyanig na naramdaman ay hindi naging destructive,” saad ni Solidum sa interview ng RMN Manila.
Hanggang kaninang alas 9:00 ng umaga, umabot na sa 27 aftershocks ang naitala sa Davao Occidental kung saan pinakamalakas ay magnitude 4.2 na naramdaman kaninang alas 12:37 ng madaling araw.
Samantala, patuloy ding binabantayan ng PHIVOLCS ang Bulkang Mayon at Bulkang Taal.
Ayon kay Solidum, nananatili sa Alert Level 1 ang dalawang bulkang dahil nakikitaan pa rin ito ng dahan-dahang pamamaga.
“Sa Mayon Volcano, kita natin na nagkakaroon pa rin ng crater glow o namumula yung tuktok niya dahil sa mainit na gas… at patuloy na namamaga dahan-dahan ang bulkan. At yung asupre o sulfur dioxide na inilalabas at mataas kaysa sa normal level,” ani Solidum.
“Sa Taal Volcano naman, although mababa yung mga volcanic earthquake e dahan-dahan pa ring namamaga ang paligid ng Taal Volcano. So, for precautions, bawal pong pumunta sa volcano island,” dagdag pa niya.