LINGAYEN, PANGASINAN – Inihayag ng Provincial Health Office (PHO) na hindi ito sigurado kung wala talagang Covid-19 Delta Variant sa lalawigan ng Pangasinan sa kabila ng pagkakaroon ng coastal areas at deklarasyon ng Department of Health (DOH) na posibleng mayroon na itong community transmission sa bansa.
Sa sesyon ng sangguniang panlalawigan, sinabi ni Dra. Anna de Guzman, bagama’t wala pang natatanggap na advisory ang ahensya na ang variant na ito ay nasa lalawigan na, mayroon pa ring pag-aalinlangan dahil sa may mga foreign vessels na dumadaong sa coastal areas ng probinsya.
Dahil dito, nakikiusap si De Guzman sa mga lokal na pamahalaan ng coastal areas na maghigpit, maging alerto at huwag payagang bumaba ang mga indibidwal na sakay ng mga foreign vessels kung walang negative rt-pcr result.
Ilan sa mga inilatag na preventive measures ng lalawigan kontra delta variant ay ang paghihigpit ng border checkpoints upang mabantayan ang mga papasok dito.
Sinabi ni Dra. De Guzman na mahalaga pa rin ang pagbabakuna kontra covid-19 at ang palagiang pagsusuot ng face mask na malaking tulong upang hindi mahawaan ng naturang sakit.