Nagmungkahi ng mga plano ang Provincial Health office ng La Union sa layunin nilang mas mapaigting ang kanilang mga programa sa pagsugpo sa HIV/AIDS sa kanilang lalawigan.
Ayon kay Provincial Health Officer, Dr. Eduardo Posadas, mula taong 1984 hanggang October 2022, nakapagtala sila ng higit apatnaraang kaso o 471 na kaso ng HIV/AIDS, limamput anim sa mga ito, mga babae at apat na raan at labing lima sa mga lalaki na may tatlumput apat na pagkamatay.
Inilatag naman ang iba’t ibang programa at proyektong ipinatutupad ng PHO gaya ng community-based HIV screening training, pagsasagawa ng mga seminar at pagsasanay, awareness campaign, testing at screening, at infectious caravans.
Nagmungkahi rin ang PHO ng ilang mga diskarte para mabawasan ang bilang ng mga kaso, kabilang ang plano ng paggawa ng San Juan RHU at Agoo RHU social hygiene clinics; pagsasagawa ng mga pagsasanay para sa HIV proficient medical technologists para sa San Juan RHU; magmungkahi ng mga pagbabago sa Provincial Ordinance No. 043-2013, na lumikha ng HIV/AIDS Council, partikular sa karagdagang pondo para palakasin ang mga programa, proyekto, at aktibidad para sa mga taong nabubuhay na may HIV (PLHIVs); at tiyakin ang pagkakaroon ng condom sa iba’t ibang hotel sa lahat ng mga lugar ng turismo sa La Union.
Ang panukala para sa karagdagang pondo ay isinangguni sa Committee on Finance, Budget, and Appropriations bilang nangunguna sa komite para sa karagdagang pag-aaral ng komite habang nakabinbin ang pagsusumite ng PHO ng komprehensibo at detalyadong mga programa at proyekto para sa HIV/AIDS. |ifmnews
Facebook Comments