Hindi raw pahihintulutan ni Manila City Mayor Isko Moreno ang pagpapatayo ng panibagong “photobomber” na sisira sa tanawin ng mga heritage site sa lungsod.
Ayon kay Moreno, inaprubahan ng nakaraang administrasyon ang planong pagpapatayo ng 9-palapag na commercial building, 10 metro mula sa likod ng Quiapo Church.
Ngunit kalaunan, nag-request ang developer na gawin itong 12-palapag, hanggang naging 37-palapag na ang hinihinging permiso nito.
“Minsan nang nag-alimpuyo ang damdamin ng tao sa mga photobomber issue,” aniya.
Giit ng mayor, nag-iingat lamang sila at sumusunod sa pangakong pangangalagaan ang mga natitirang makasaysayang lugar sa Manila.
Matatandaang ibinasura ng Korte Suprema noong 2017 ang petisyong itigil ang pagpapatayo ng Torre de Manila building na ngayon ay tanaw o hagip sa tanawin ng Rizal Monument.
“Dapat kasi ‘yung katamtaman lang. At kung meron man, as a matter of commitment, puwede naming baguhin sa Konseho ng Manila ang zoning just to protect our heritage,” ani Moreno.