Ipatutupad na ngayong araw ang maluwag na physical distancing sa mga pampublikong transportasyon
Ayon kay Department of Transportation (DOTr) Undersecretary Timothy John Batan, mula isang metro, magiging 0.75 metro na ang physical distancing sa mga pampublikong sasakyan, batay sa inaprubahan ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID).
Pagkalipas ng 2 linggo, babawasan pa ang distansiya.
Kapag umabot na sa 0.3-meter physical distancing, inaasahang madadagdagan nang hanggang 50 porsiyento ang dami ng pasahero.
Iginiit ng DOTr, mahigpit pa ring ipapatupad ang ilang health protocols tulad ng “no face mask and shield, no entry.”
Magkakaroon din ng handwashing stations sa ilang istasyon at bawal ang paggamit ng telepono sa loob ng pampublikong sasakyan.
Kaugnay nito, balik-pasada na rin ang higit 1,000 jeep sa halos 30 ruta sa Quezon City, Maynila at Muntinlupa.
Nasa 13,000 jeep ang nakakabiyahe na, malayo sa 70,000 driver na dating pumapasada.