Physician Licensure exam, hiniling sa PRC na ituloy na

Hinikayat ni San Jose del Monte City Bulacan Rep. Florida Robes ang Professional Regulation Commission (PRC) na ituloy na ang licensure examination sa mga medical graduates ngayong taon para matugunan ang kakulangan ng mga medical practitioners sa bansa.

Bunsod nito ay inirekomenda ni Robes na madaliin na lamang ng PRC ang paglikha sa electronic media platform na pagsasagawaan ng examination dahil hindi pa rin sigurado kung sa Setyembre o sa Nobyembre matutuloy ang Physician Licensure Examination (PLEs).

Ayon sa kongresista, makailang beses na ipinagpaliban ng PRC ang PLEs dahil sa COVID-19 pandemic at sa ipinatupad na community quarantine.


Nakaapekto aniya sa pagtugon ng mga pagamutan laban sa COVID-19 ang kakulangan ng mga doktor gayundin ay hindi ma-i-deploy o ma-tap ng full-time ang mga medical graduates dahil kailangan munang makapasa at makuha ang nasabing credential.

Sinabi pa ni Robes na nakadagdag pa sa ‘anxiety’ ng mga graduates ang pagkabinbin sa kanilang ‘eligibility’ dahil inobliga na silang tumulong sa anti-COVID-19 efforts ng gobyerno gayong wala pa sila talagang lisensya matapos na ma-postponed ang March 2020 examinations.

Sa tala ay aabot sa 63,000 medical doctors ang kinakailangan upang matugunan ang shortage ng mga physicians sa mga pagamutan.

Facebook Comments