Inaprubahan na sa ikatlo at huling pagbasa sa Kamara ang House Bill 9061 o panukalang Physicians Act.
Sa botong 236-Yes, 6-No, at 0-Abstain, pinagtibay ang panukalang batas na layong i-repeal ang Republic Act no. 2382 o Medical Act of 1959 na hindi na akma sa scientific advancements at medical landscape ng makabagong panahon.
Ayon kay Health Committee Chairman Angelina “Helen” Tan, pangunahing may-akda ng panukala, sakop ng Physicians Act ang regulasyon sa medical education, kung saan kasama rito ang clinical clerkship, post-graduate medical internship, licensure, at residency program.
Kasama rin sa mga mahahalagang probisyon nito ay ang pagtatatag ng Integrated National Professional Organization of the Physicians na magsisilbing national organization ng lahat ng physicians at obligado silang maging miyembro nito katulad na lamang sa Integrated Bar of the Philippines.
Tinitiyak din sa panukala ang maayos na working conditions ng medical residents habang sila ay nagsasanay, gayundin ang disenteng sweldo at benepisyo at mataas na standard ng professional conduct.
Papayagan din na mag-practice ng medisina sa Pilipinas ang mga dayuhan, basta’t sa bansang pinagmulan nito ay pinapayagan din ang mga Pilipino na magsanay ng medisina.
Sa oras na maging ganap na batas ay layunin ng Physicians Act na maresolba ang problema sa kalituhan ng Professional Regulation Commission (PRC) dahil sa dami ng medical organizations sa bansa.