Nagpahayag ng pagsuporta sa legalisasyon ng same-sex marriage sa bansa ang beauty queen at aktres na si Pia Wurtzbach.
Sinabi ng Miss Universe 2015 ang saloobin nito sa same-sex marriage at sa mga tutol pa rin sa LGBTI community, sa isang panayam ng Inquirer sa ginanap na taunang reception dinner ng US Embassy para sa Pride Month.
Ani Wurtzbach, pangarap niyang dumating ang araw na legal na ang same-sex marriage sa Pilipinas, matapos aprubahan ang nasabing union sa kalapit-bansa na Taiwan at sa katolikong bansa na Ecuador.
Ipinahayag din ni Wurtzbach ang pagkadismaya niya sa pagtutol ng ilang sektor sa pagdaraos ng Pride Month, na aniya ay wala namang masama sa pagdiriwang nito.
Giit niya, walang ginagawang masama o sinasaktang sinuman ang mga miyembro at kaalyado ng LGBTI.
Gayunpaman, masaya raw si Pia sa mga pagbabago sa bansa kaugnay ng pakikitungo sa LGBTI sa nakalipas na lima o sampung taon.
“…we’re very much more accepting and welcoming with our LGBT brothers and sisters,” aniya.
Pero dagdag niya, marami pa ring kailangan gawin o isulong gaya na lang ng mga miyembro na nakakaramdam na hindi sila tanggap sa komunidad.