Pila at sistema ng pamamahagi ng ikalawang bugso ng pamamahagi ng educational assistance ng DSWD para sa mga students-in-crisis sa ilang payout centers, mas maayos ngayong araw!

Mas naging maayos ang pila at sistema ngayong araw ng ikalawang bugso ng pamamahagi ng educational assistance para sa mga student-in-crisis ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).

Ito ang paunang assessment ni DSWD Assistant Secretary Romel Lopez sa kaniyang isinagawang pag-iikot sa ilang mga payout sites sa Metro Manila.

Ganito rin aniya ang sitwasyon sa mga payout center sa labas ng National Capital Region (NCR).


Kasunod nito, nagpasalamat si Lopez sa mga lokal na pamahalaan at sa Department of the Interior and Local Government (DILG) sa kanilang kooperasyon para maging maayos at matiwasay ang nasabing sistema.

Iginiit pa ng opisyal na nagkaroon ng magandang improvement sa sistema ng pamamahagi ng educational assistance ngayong araw.

Una nang sinabi ng DSWD na nasa mahigit 200 ang payout center sa buong bansa kung saan inaasahang makakapamahagi ng ayuda sa 40,000 estudyante.

Kabilang naman sa initial venues para sa Metro Manila ay ang National Vocational Rehabilitation Center sa Katipunan, Quezon City; DSWD Field Office sa Legarda, Maynila at Social Welfare and Development for Asia and the Pacific sa Taguig City.

Muling ipinaalala ni Lopez na mahigpit na ipapatupad sa mga payout center ang pagbabawal sa walk in kung saan tanging may mga confirmation text message lang ang kanilang aasikasuhin.

Facebook Comments