Umaabot na hanggang sa gasolinahan sa Macapagal Blvd. ang pila ng mga indibidwal na nais kumuha ng mga dokumento sa Department of Foreign Affairs (DFA) Office of the Consular Affairs sa Aseana, Parañaque City.
Karamihan sa kanila ay dito na nagpalipas ng gabi na ang ilan ay mula pa sa kalapit na lalawigan.
Nabatid na kaya nagtungo ang mga indibidwal na ito ay dahil hirap silang makapasok via online o sa website ng DFA.
Ilan sa mga nagpunta ay nais magpapa-authenticate ng kanilang mga dokumento para makapunta ng ibang bansa.
Sa katunayan, ang nangunguna sa pila ay noong isang araw nananatili sa labas ng DFA Office of the Consular Affairs.
Napag-alaman na nasa 300 lang ang cut-off ng walk-in sa courtest lane ng Apostile Authentication pero nasa halos 700 na ang nakapila.
Nagtutulungan naman ang mga guwardiya ng DFA at mga tauhan ng Tambo Sub-Station sa pamumuno ni Maj. Jolly Soriano para masiguro ang seguridad, kapayapaan at mga patakaran sa health protocols.
Nanguna rin ang grupo ni Maj. Soriano sa pamamahagi ng lugaw upang magkaroon naman ng pagkakataon ang mga kababayan natin nakapila na makakain ng almusal.