Pilipinas at Australia, nagpapatuloy sa intel-sharing kasunod ng walang habas na pamamaril sa Bondi Beach

Nagpapatuloy ang intel-sharing sa pagitan ng Pilipinas at Australia kasunod ng walang habas na pamamaril sa Bondi Beach sa Sydney.

Ayon kay National Security Adviser Eduardo Año, inaalam na ng mga otoridad kung ano ang naging layunin ng mag-amang sangkot sa mass shooting nang bumisita sila sa Davao.

Sinabi naman ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Spokesperson Col. Francel Padilla na gumagana ang palitan ng impormasyon ng Pilipinas at Australia — at sinabi pa niyang may umiiral na visiting forces presence sa Maynila na nakatutulong sa koordinasyon.

Ayon pa sa National Security Council (NSC), hindi totoo ang kumakalat na ulat na hotspot ng terorismo ang Pilipinas, lalo na’t may leadership vacuum ang ilang lokal na teroristang grupo mula pa noong panahon ng Marawi siege. Karamihan daw ng natitirang grupo ay maliit na yunit na lamang.

Sa ngayon, tinututukan ng AFP at ng Philippine National Police (PNP) ang naging galaw ng mag-amang suspek habang bumibisita sa bansa bago ang pag-atake sa Bondi Beach, Australia, bilang bahagi ng kanilang malalimang imbestigasyon at koordinasyon sa mga kaakibat na awtoridad.

Facebook Comments