Pilipinas at China, nagkasundo na magkaroon ng bilateral consultation tungkol sa WPS

Nagkasundo muli ang Pilipinas at China na magkaroon ng bilateral consultation para pag-usapan ang mga isyu sa West Philippine Sea (WPS).

Ito ang kinumpirma ni Department of Foreign Affairs (DFA) Secretary Enrique Manalo sa organizational meeting ng Senate Committee on Foreign Relations.

Ayon kay Manalo, nagkasundo na sila ni Chinese Foreign Minister Wang Yi na muling magkaroon ng bilateral consultation mechanism sa West Philippine Sea pero hindi pa tukoy ang eksaktong petsa kung kailan ito gagawin.


Matatandaang natigil ang konsultasyon ng dalawang taon dahil sa pandemya.

Samantala, aabot sa 388 diplomatic protests ang naihain ng bansa laban sa China noong Duterte administration at 48 naman sa kasalukuyang administrasyon at dalawang protest notes laban sa Vietnam.

Pero sinabi naman ni Senator Imee Marcos na chairman ng komite, na tila nag-aasaran na lang sa mga protesta at wala naman talagang nangyayari.

Nakukulangan din si Marcos sa ginagawa ng Task Force on West Philippine Sea at inirekomenda ng senadora sa DFA na magkaroon ng Code of Conduct ang mga claimants na bansa para magkaroon ng susunding panuntunan.

Facebook Comments