Nagharap na sina pangulong Rodrigo Duterte at Chinese President Xi Jinping kagabi ayon sa Malakanyang.
Kagaya ng unang inihayag ni pangulong Duterte, tinalakay nito sa bilateral meeting ang 2016 arbitral ruling na nagbibigay ng karapatan sa bansa sa West Philippine Sea.
Gayunman, hindi pa rin kinilala ng China ang nasabing arbitral ruling at iginiit na mananatili ang kanilang posisyon kaugnay nito.
Dahil dito, nagkasundo sina Duterte at Xi na mananatili ang kanilang posisyon sa usapin subalit kapwa sumang-ayon na hindi makakaapekto ang agawan sa teritoryo sa bilateral relations ng dalawang bansa.
Kaugnay nito, pinuri naman ni pangulong Duterte ang pag-ako ng responsibilidad ng China sa Recto Bank incident nitong Hunyo a-nuwebe at ang kahandaan nito na magbigay ng ayuda o compensation para sa mga inabandonang mangingisdang Pinoy.
Sa kabuuan, sinabi ng chief executive na maganda ang naging resulta ng isinagawang bilateral meeting sa China.