
Iginiit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na magiging mahalagang bahagi ng pinalawak na ugnayan ng Pilipinas at India ang pagtutok laban sa fake news, kasabay ng pagpapalakas ng digital at artificial intelligence (AI) capabilities ng bansa.
Ayon sa Pangulo, bukod sa mga plano sa AI, telecom, at IT infrastructure, kabilang ang pagtatayo ng karagdagang common towers, malaking diin ang ibinigay ng India sa cybersecurity at regulasyon ng digital platforms.
Nangunguna aniya sa digital space ang India at handang magbahagi ng karanasan at teknolohiya sa Pilipinas, kabilang ang pagsasanay ng mga Pilipinong eksperto sa AI at cybersecurity.
Target din ng kooperasyon na maglatag ng mga mekanismo para matukoy at masupil ang pagkalat ng maling impormasyon at mapanlinlang na nilalaman sa social media.
Dagdag pa ng Pangulo, mahalagang tukuyin kung saan patutungo ang AI at social media upang makapaghanda ang bansa sa mga panganib na dala ng teknolohiya, lalo na sa larangan ng pulitika at pambansang seguridad.









