
Nagsagawa ng ikatlong Bilateral Maritime Cooperative Activity ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at Japan Maritime Self-Defense Force sa West Philippine Sea.
Kabilang sa ipinadalang assets ng Hukbong Sandatahan ng Pilipinas ay ang BRP Antonio Luna, isang PN AW159 helicopter, at C-208B surveillance aircraft ng Philippine Air Force (PAF).
Samantala, ginamit naman ng Japan ang kanilang JS Harusame at isang SH-60K helicopter.
Sa aktibidad, nagsagawa ang dalawang bansa ng interoperability exercises, kabilang na ang Division Tactics/Officer of the Watch Maneuver, kung saan sinanay ang mga coordinated movements at station keeping. Kasama rin dito ang Photoex, kung saan pinanatili ang tamang formation para sa tamang dokumentasyon ng aktibidad.
Bukod dito, nagsagawa din sila ng cross-landing exercise upang i-familiarize ang mga helicopter crew at ship personnel sa kanilang deck procedures.
Patuloy naman ang pagsisikap ng AFP na palawakin ang pakikipagtulungan at ugnayan sa iba pang defense forces.









