Wala pang formal dialogue sa pagitan ng Pilipinas at Japan patungkol sa posibleng pagkakaroon ng Visiting Forces Agreement.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., sa panayam ng media sa loob ng PR001 patungong Japan kahapon.
Kasunod ito nang kanyang pahayag na mas palalakasin pa ang defense cooperation sa mga matagal nang kaalyadong bansa gaya ng Japan.
Sinabi ng pangulo na sa kabila na wala pang formal talks kaugnay dito ay alam niya ang mga tulong na ibinibigay ng Japan sa Philippine Coastguard pagdating sa usapin ng capacity-building katulad ng pagbibigay ng equipment.
Matagal na ayon sa presidente na nagbibigay ng tulong ang Japan sa Coast Guard para maraming magpapatrolya sa bahagi ng South China Sea at matiyak ang freedom of passage.
Dagdag pa ng pangulo, fostering cooperation ang isa sa kanyang agenda sa pagtungo sa Tokyo, Japan sa harap ng pangangilangan aniyang patuloy na pagsasamoderno ng Armed Forces of the Philippines (AFP).
Si Pangulong Marcos ay nasa Japan ngayon para mas magkaroon nang mas malapit na political ties, malakas na defense and security cooperation at patatagin ang economic partnerships sa mga bansang nasa Asya.