Matindi ang pakiusap ni Senator Ronald Bato dela Rosa sa mamamayang Pilipino na suportahan ang Anti-Terrorism Law bilang proteksyon natin laban sa terorismo.
Paliwanag ni dela Rosa, ang Pilipinas ang may pinakamahinang Anti-Terror Law kaya sobra ang epekto ng terorismo sa atin at hindi natatakot ang mga terorista.
Sabi pa ni dela Rosa, huwag sisisihin ang gobyerno ng mga mabibiktima ng mga bombang pasasabugin ng mga terorista o kapag naulit ang Marawi at Zamboanga siege sa oras na hindi maisabatas ang Anti-Terrorism Bill.
Diin ni Dela Rosa, grabeng pagbusisi at debate ang dinaanan ng naipasa nilang Anti-Terrorism Law at kanilang tiniyak na hindi ito magagamit sa pag-abuso at paglabag sa karapatan ng sinumang walang kaugnayan sa mga terorista.
Tiniyak ni Dela Rosa na ang panukala ay hindi magagamit laban sa oposisyon at mga kritiko ng administrasyon at sa sinumang magsasagawa ng kilos protesta laban sa gobyerno.
Sa katunayan, ayon kay Dela Rosa, isa sa pangunahing tungkulin ng lilikhaing Anti-Terrorism Council o ATC ay para proteksyunan ang karapatang pantao.
Binigyang diin pa ni Dela Rosa na base sa panukala, ang pag-aresto sa isang hinihinalang terorista ay agad irereport sa pinakamalapit na korte, sa ATC at sa Human Rights Commission para masigurong walang malalabag na karapatang pantao.