Magsasagawa ang Armed Forces of the Philippines (AFP) ng military exercises kasama ang Estados Unidos sa harap ng tensyon sa West Philippines Sea.
Ayon kay AFP Chief of Staff General Cirilito Sobejana, ang opening ceremonies ay gaganapin sa AFP General Headquarters sa Camp Aguinaldo, Quezon City ngayong araw.
Hindi ito bubuksan sa publiko bilang bahagi ng safety precautions ngayong may COVID-19 pandemic.
Sinabi ni Sobejana na magiging iba ito mula sa Balikatan exercises kung saan ilan sa mga exercises ay magiging virtual pero mayroon ding minimal physical contact.
Magkakaroon din ng actual field training exercises pero hindi kasing laki tulad noong mga nakaraang taon.
Magtatagal ang joint military exercises sa loob ng dalawang linggo na lalahukan ng 700 Amerikanong sundalo at 1,100 sundalong Pilipino.
Kaugnay nito, sinabi ni Defense Undersecretary at Spokesperson Arsenio Andolong, na kakausapin ni Defense Secretary Delfin Lorenzana si Pangulong Rodrigo Duterte para ibalik ang Balikatan Exercises.
Nabatid na nakansela ang Balitakan Exercises nang ipawalang bisa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Visiting Forces Agreement (VFA).
Ang VFA ay nilagdaan noong 1998 at niratipikahan ng sumunod na taon kung saan pinapahintulutan ang pagsasagawa ng military training sa pagitan ng mga sundalong Amerikano at Pilipino sa bansa.